Pinuna ng dating kilalang “The Running Priest” at social activist na si Fr. Robert Reyes ang naging implikasyon ng BOKSING sa pamumuhay ng mga Kristiyano at Hudeo.
Partikular na hinalimbawa ni Fr. Robert sa panibago nitong inilathalang opinyon sa online news magazine na Bulgar Online ang naging laban ni Manny Pacquiao sa Malaysia na nagkataong ginanap kamakailan sa araw ng linggo. HINDI MAIAAHON SA KRISIS ANG BANSA SA BOKSING, ayon sa naipamagat nito sa kanyang likhang– akda.
Ayon sa kanya, “maraming nakinabang sa labang ito. Unang-una na ang promoter ng laban. Pangalawa, ang dalawang boksingero na malaki na ang tatanggaping parte sa kikitain ng kanilang laban. Pangatlo, ang mga kumpanya ng cable TV na magbebenta ng “pay-per-view.” Pang-apat, ang napakaraming kainan at bar na ipalalabas ang laban kasabay ng pagtanggap ng order ng pagkain at inumin. Panlima, ang malalaking sugarol na tumaya ng milyun-milyon pati na ang maliliit na sugarol na tumaya rin ng maliliit na halaga. Huwag din nating kalimutan ang maraming pulitiko na namasyal at nanood sa Kuala Lumpur upang suportahan ang Pambansang Kamao.”
Bagama’t marami aniyang nakinabang sa nasabing laban ni Manny Pacquiao, tila nakalimutan na di – umano ng karamihan sa mga Kristiyano ang totoong OBLIGASYON sa araw ng Linggo o Sabado naman para sa mga Hudyo. “Sabado man o Linggo, ang mahalaga ay ang pagkilala sa panahon ng Diyos na bahagi mismo ng espiritu ng Diyos,” ayon kay Fr. Reyes.
Napakalakas di – umano ng hatak ng boksing sa mamamayan kung kaya’t halos tumigil ang lahat lalo pag si Manny Pacquiao ang bumibida.
Kahit malakas din daw itong kumiliti sa ekonomiya, wala din namang magagawang pagbabago ito para tugunan ang ‘matinding krisis’ ng katotohanan, katarungan, dangal at kapayapaan.
Kaya’t hamon ni Fr. Robert Reyes sa sambayanan, kaya pa ba nating bumalik sa Sabbath, sa espiritu ng tunay na Diyos na aniya ay siyang nagbibigay ng tunay na katarungan, kapayapaan at kalayaan.
Source: bulgaronline.com