Nutribun, gatas para sa mga mag-aaral ibabalik ni Manila Mayor-elect Isko Moreno

0
1762

Feeding program para sa mga mag-aaral sa public schools ibabalik ni Mayor Isko Moreno
Nutribun at gatas ipamamahagi sa kindergarten hanggang Grade 6 pupils
Mayor Isko Moreno alam ang pakiramdam ng pumapasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan

Plano ng bagong halal na mayor na si Francisco “Isko Moreno” na ibalik ang feeding program para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Maynila para mabigyan ng sapat na nutrisyon ang mga bata.

Sa ilalim ng feeding program ay mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng masustansyang pagkain na kinabibilangan ng nutribun at gatas sa mga mag-aaral mula sa kindergarten hanggang Grade 6.

Sa isang panayam sa kanya, sinabi ni Mayor Isko Moreno na maraming mga mag-aaral sa Maynila ang pumapasok sa eskwelahan nang gutom at walang laman ang tiyan dahil sa kahirapan sa buhay.

Sinabi ng alkalde na alam niya ang nararamdaman ng mga batang pumapasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan dahil naranasan din niya iyon noon.

“Marami sa mga mag-aaral natin na pumapasok sa paaralan na walang laman ang tiyan at gutom, dala na rin siguro ng hirap ng buhay. Alam ko po ang pakiramdam na iyon sapagkat isa rin po ako sa mga batang pumapasok na walang laman ang tiyan,” aniya.

“Kaya po ang pangarap natin sa lungsod ng Maynila ay maibalik ang Nutribun at gatas sa loob ng paaralan,” dagdag pa niya.

Ang nutribun ay isang uri ng tinapay na siksik sa masustansyang sangkap na unang ipinamahagi sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan noong dekada sitenta.

Ang mga sangkap ng nutribun ay galing sa Amerika bilang donasyon sa Pilipinas upang magamit ng pamahalaan para labanan ang umiiral noon na malawakang malnutrisyon sa mga bata.

Itinigil ng Amerika ang pagbibigay ng mga harinang ginagamit sa paggawa ng nutribun noong 1997 dahil sa pagbaba ng bilang ng mga malnourished na bata sa bansa. Ang donasyon ay ipinamahagi sa mga bansang mas nangangailangan ng tulong.

Noong 2014 ay ibinalik ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada ang nutribun feeding program. Araw-araw, sa loob ng 120 days, ay nagbigay ang lokal na pamahalan ng nutribun at gatas sa mga mag-aaral sa isang pampublikong paaralan sa Baseco Compound sa Tondo.

Source :Manila Bulletn, , Remate

Comments

comments