Pinaalalahanan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang mga dayuhan, na irespeto nila ang umiiral na batas at huwag makialam sa politika ng bansa, lalo na ngayong nalalapit na ang panahon ng halalan.
Iginiit ni Morente, na ang mga dayuhan ay ipinagbabawal ng batas na makisali sa mga gawaing pampulitika sa Pilipinas.
Kabilang dito ang pagsali sa mga mass action at protesta gaya ng election campaigns.
Ito aniya ay hindi pagrespeto sa batas at paglabag sa kanilang pananatili sa bansa.
Ayon kay Morente, kahit na ang mga dayuhan na may permanent residence visa ay hindi pinagkalooban ng parehong mga karapatang pampulitika at pribilehiyo bilang isang mamamayang Pilipino, kaya hindi rin sila maaaring makisali sa mga naturang aktibidad.
Ipinapatupad aniya nila ang “zero tolerance,” para sa mga dayuhan na makikialam sa panloob na usapin ng Pilipinas bilang isang soberenyang bansa.
Nauna nang naglabas ng babala si Morente sa mga empleyado ng BI, na manatili silang “apolitical” mapa-internet man o personal.