Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Communications Assistant Secretary Esther Margaux “Mocha” Uson bilang bagong Deputy Executive Director ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa listahan ng presidential appointee na ibinaba ng Palasyo, hinirang si Uson bilang Deputy Executive Director V (Deputy Administrator) ng OWWA.
Matatandaan na si Uson ay dati na ring nanungkulan sa pamahalaan bilang Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ngunit nagbitiw sa pwesto sa gitna ng mga batikos sa social media post nito, na ayon sa mga mambabatas ay taliwas sa trabaho nito sa PCOO, dahilan rin kung bakit naging pahirapan noon ang pagpagpasa ng budget ng PCOO.
Para naman sa Commission on Elections (Comelec), wala silang nakikitang hadlang sa panibagong posisyon sa gobyerno ni Uson.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, hindi applicable sa mga natalong kandidato na naging nominee ng isang partylist group ang one year appointment ban sa posisyon sa gobyerno.
Inihayag din ni Comelec Education and Information Division Dir. Atty. Frances Arabe na mayroong naunang ruling ang Comelec En banc na nagsasabing hindi saklaw ng appointment ban ang mga nominees ng partylist.
Si Mocha Uson ay naging nominee ng AA-Kasosyo partylist pero hindi pinalad na makakuha ng pwesto sa Kongreso.