Higit 50 motorsiklo, halos 200 appliances, isang pick-up truck, tatlong bagong kotse, at kabuuang P1 milyon ang ipina-raffle ni Manny Pacquiao sa pagdiriwang ng kaniyang ika-40 kaarawan sa kinalakihang bayan na General Santos City.
Nagpa-raffle din si Pacquiao ng tig-P500,000, na napanalunan ng dalawang dumalo sa kaniyang pagdiriwang.
Aabot sa P5 milyon ang halaga ng ipina-raffle ni Pacquiao, na galing umano sa kaniyang personal na pera.
Dinaluhan ng iba’t ibang malalaking personalidad sa politika at palakasan ang pagdiriwang, kabilang na si Pangulong Rodrigo Duterte na nagpasalamat sa senador at boksingero.
“Andito ako to greet you a very merry Christmas. Thank you, Senator Manny Pacquiao, for this opportunity. I greet you with most sincere felicitation,” ani Duterte sa isang maikling talumpati.
40th birthday ni Sen. Pacquiao, ipinagdiwang sa pamimigay ng groceries sa nasa 4,000 pamilya
Dumalo rin ang head coach ni Pacquiao na si Buboy Fernandez, na hiniling ang ma-knock out ni Pacquiao ang kakalabaning si Adrien Broner sa Enero.
Naroon din si Kenneth Duremdes, commissioner ng Maharlika Pilipinas Basketball League, na ligang pinasinayaan mismo ni Pacquiao.
Kabilang sa mga nagtanghal sina Marcelino Pomoy, Kyla, Richard Poon, at Freddie Aguilar. Nagkaroon din ng song number ang asawa ni Manny na si Jinkee, at ang kanilang mga anak.
Sa pagsisimula ng kaniyang boxing career, napagpasyahan ni Pacquiao na magbitiw sa pag-aaral para tulungan ang ina at ang mga mas kapatid na umahon sa kahirapan.
Patuloy na lumaban si Pacquiao sa boxing ring habang binabalanse ang kaniyang pagkasenador.
source: abs-cbn