MAYNILA — Arestado nitong Sabado ang isang lalaki na umano’y sangkot sa pagnanakaw ng mga cellphone sa Quezon City at Taguig.
Ayon sa pulisya, hinuli ng mga security guard ang 25-anyos na suspek sa isang parking lot sa Bonifacio Global City sa Taguig bandang alas-5 ng madaling araw.
Makikita sa CCTV ang suspek na nakaupo sa tabi ng isang lalaking nakahiga. Nang walang nakapansin, kinuha niya ang cellphone mula sa lalaking nakahiga at saka pa-simpleng umalis.
“Inattempt ng ating suspek na habang tulog o habang natutulog ang biktima dahil sa kalasingan, kinuha niya sa dibdib ang cellphone at bigla pong umalis,” ani Police Maj. Judge Donato, Fort Bonifacio sub-station commander.
Nakuhanan din ng CCTV na habang naglalakad paalis ang suspek, sinundan siya at hinuli ng security guard na si Jan Michael Magtibay.
Ayon kay Magtibay, binantayan niya ang suspek nang mapansing nagmamatyag sa mga tao sa lugar.
“Pinatawag ko na sa operator ng CCTV na i-monitor ang taong ito kasi nga paikot-ikot. Then yun nga, dumikit siya sa lasing na nakahiga at kinuha ang cellphone,” kwento ni Magtibay.
Aniya, lumapit siya sa suspek para arestuhin at kuhanin ang tinangay na cellphone.
Makikita rin sa CCTV na sumama noong una ang suspek pero bigla siyang nagpumiglas at nagtangkang tumakas. Sa tulong ng iba pang security guard at bouncer sa lugar, tuluyang nahuli ang suspek at dinala sa Fort Bonifacio Sub-Station.
Narekober sa suspek ang tinangay na cellphone sa BGC at may isa pang cellphone na nakuha mula sa kanya na tinangay din umano niya mula sa Katipunan, Quezon City ilang oras bago pumunta ng BGC.
“Napag-alaman natin na ang isa sa mga cellphone ay isang iPhone 12 na naka-lost. Inamin ng suspek na kinuha niya ito bandang alas-2 ng umaga mula sa Katipunan,” ani Donato.
Agad tinawagan ng pulisya ang may-ari ng cellphone na ninakaw sa Katipunan. Ayon kay Michael Angelo Iballa, ninakaw ang kanyang cellphone habang nasa isang bar sa Katipunan nitong madaling araw ng Sabado.
“Nagsasaya kami ng friends ko around 2 a.m., tapos, suddenly di ko mahanap phone ko. Ayun, nadukot na pala. Kinontak ko yung bar kung pwede makita yung CCTV tapos nakita na same guy kung sino ang nahuli nila,” ani Iballa.
Kwento ni Iballa, natatawagan at nata-track pa ang kanyang cellphone makalipas ang isang oras pero kalaunan ay hindi na. Nagpasalamat siya na naibalik ang kanyang cellphone, na apat na buwan pa lang nasa kanya. Desidido si Iballa na sampahan ng reklamo ang suspek para wala na itong ibang mabiktima.
Napag-alaman din ng pulisya na nahuli na ang suspek noong Disyembre 2023 sa parehong modus.
“Tinatarget ng mga suspek ang mga lasing o mga nanggagaling sa mga bar. Ang modus na ito ay ang pagkuha nila ng taong lasing, isasakay sa taxi at doon na nila pagnanakawan,” ani Donato.
Pinaghahanap ng pulisya ang taxi driver na posibleng kasabwat ng suspek sa modus. “Ngayon, pinagdududahan natin na meron siyang kasabwat na taxi driver at ito’y bagong modus na binabantayan natin sa BGC,” dagdag ni Donato.
Mahaharap ang suspek sa reklamong alleged theft at nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings sa Lunes. Binigyan ng Fort Bonifacio Sub-Station ng Certificate of Commendation ang security guard na si Magtibay dahil sa agarang pagresponde kaya nahuli ang suspek.